Pira-pirasong Diwa











{Agosto 27, 2008}   Pira-pirasong paniniwala

Noong bata pa ako, pinaniwalaan ko:

 

1. Ang sabi ng kalaro ko na magigi kang basahan kapag naduraan ng isang bubuli. Yan daw yung mukhang malaking butiki. Ang payo pa niya, kapag nakakita ka ng bubuli kailangan mong dumura bago ka maduraan nang sa gayon hindi ka maging basahan.

2. Ang turo ng kaklase ko na matapos umihi, duraan at mag-krus ng ilang ulit ang iyong wiwi para mabendisyunan. Ako’y isang dakilang gaya-gaya hanggang umabot ang panahong naisip kong kabaliwan ang pamamaraang ito.

3. Ang buto ng prutas kapag nalunok mo, tutubo iyon at ang mga tangkay ay maglalabasan sa tenga, ilong at mata. Kaya marapat na huwag iinom ng tubig hanggang hindi pa nakaka-jebs para huwag “madiligan” ang buto.

4. Na mabubuntis ka kapag nahalikan dahil sa laway nabubuo ang beybis.

5. Na totoong may halimaw sa banga kaya hindi ko sinisilip.

6. Kailangang paikutin ang plato kapag may miyembro na umalis habang ang iba ay kumakain. Ang pag-ikot ng pinggan ay makatutulong para hindi malagay sa panganib ang mahal sa buhay.

7. Kapag may nahulog na kutsara, may darating na bisitang babae. Kapag tinidor ay lalaki, at kapag kutsilyo ay isang masamang tao. Ang kutsara o tinidor, kapag nakataob nang mahulog ay nagpapahiwatig na pangit ang darating na bisita, at pag nakatikwang naman ay maganda/ guwapo.

8. Puputi ka kapag uminom ng gatas. Nakakaitim ang kape.



{Agosto 22, 2008}   Kokak

Bukod sa paghabol sa mga biik nung college, pag-gagatas ng baka, pagpasok ng buong braso sa puwitan ng buntis na baka at pagsuksok din ng thermometer sa kanilang kuwan habang buong puso ka nilang ini-etchasan, ay makulay din ang buhay sa Bio 2 na kung saan nakipagbonding ako sa palaka at ipis.

Wala kaming ginawa tuwing biyernes kungdi mag-dissect ng palaka at ipis. Linggo-linggo bumibili kami ng palaka (5 piso, maliit; 10 piso kung gusto mo ung mataba-taba). At linggo-linggo din ay inaabangan ko sa bahay namin maglabasan ang mga ipis para ilagay sa bote at dalhin sa lab para pagpiyestahan.

Naging makulay ang mundo ko dahil ayaw ko sa palaka. Takot ako sa kanya. Kaya linggo linggo ay naiiyak ako kasi pakiramdam ko hindi ako makakatapos ng kolehiyo dahil sa mga palaka. Linggo linggo din akong nagtitiis na huwag masuka sa amoy ng ipis (Naamoy nyo na ba ang ipis?? mas mura iyon kung trip nyong maging adik!)

Unang tinuro sa amin ang pag-paralisa. Kailangan hanapin sa may batok (may batok ba ang palaka) ang tamang pagsusundutan ng karayom para matagumpay mo itong maparalisa. Kapag hindi, “cruelty to animals” ang ihahatol sa iyo dahil ang kawawang palaka ay matotorture kapag sinimulan mo ng hiwain at gupitin ang balat ng tiyan nito parang ibukwang ang mga kalamnan nya.

Hindi madali ang prosesong ito sa mga bagitong tulad namin. May iba sa sobrang diin ng pagsundot ng karayom eh tagus tagusan na ito sa leeg ng palaka. Ang iba sa mata lumalabas ung karayom, ang iba sa ilong. Ang kawawang palaka — duguan sa kamay ng mga mag-aaral. Minsan sa sobrang nerbyos ng mga ito ay naiihi na din sa kamay namin habang naglalabasan ang kamandag nito sa may bahaging tenga. PS: Bawal gumamit ng guwantes. Huwag daw maarte sabi ng titser. Ang naisip ko nun, kapag kinulugo ako, iipunin ko ang mga kulugo at ibabato ko sa kanya.

Isang araw sa lab … habang busy ang lahat sa pag-papraktis magparalisa ng palaka ay napadura ang isa naming kaklase. Itago natin sya sa pangalang Mariel (pero ito talaga totoo nyang pangalan).

“Puweh, puweh!” sabay takbo sa lababo para dumura, hugasan ang bibig at tuyuin ito gamit ang manggas ng t-shirt.

“Bakit? anu nangyari sa iyo?” tanung namin.

“Naihi ung palaka ko. Sa bibig tumalsik. Puweh!” 

Piliin ang tamang sagot: Ano ang naging reaksyon namin matapos malaman ang pangyayari?

a) naawa  b) humagalpak sa tawa c) nagsigawaan ng YUUUUCKK  d) b at c  e) naiinggit dahil gusto din namin makatikim ng wiwi

Hindi tumalsik sa bibig nya ung ihi. Ang totoo nyan, mataas kasi ung pagkakahawak nya sa palaka habang pinaparalisa nya ito. Ung puwit nung kokak sa may mukha nya nakatapat.

Sapul!!



{Agosto 20, 2008}   Walang pamagat

May patutunguhan ba talaga ang ganito? May mapapala ba kayo dito? Dahil nangako ako kay ate pokwang gagawin ko ito. Dahil sa pangako, sa unang pagkakataon ay magpopost ako ng Tag. hehehe.

Here’s the rule daw…

Click copy/paste, type in your answers and tag four people in your list! Don’t forget to change my answers to the questions with that of yours.

I-klik o idikit, isulat ang inyong sagot at hampasin ang apat na tao sa iyong listahan. Huwag kalimutang burahin ang aking mga sagot, at ipalit duon ang inyong kasagutan.

1. Four places I go over and over. Apat na lugar na masarap balik-balikan

una – sa kubeta

pangalawa – sa kuwarto

pangatlo – sa kusina

pang-apat – sa sala para manood ng telenobela at samu’t saring teleserye tulad ng german version nga Days of our lives na pinamagatang, Good times bad times.

 

2. Four people who e-mails me regularly. Apat na taong laging nangbubulabol.

hmmm …. isang huldabrinkley wildcats na nagtitinda ng vibrator. isang janessa peggie na nagtitinda ng rolex (na minsan nagtatago sa pangalang, lorene nichole, ethelyn alisia atbp.), mga sulatin ni kuya Bo Sanchez (d best), at mga sulatin ni Paulo Coelho (rebulto).

3. Four of my favorite places to eat. Paboritong lugar lafangan.

Seafood Club sa Greenbelt (eat all you can alimango), Dampa (baked tahong atbp), kahit saan bulaluhan at sisig sa tagaytay, at syempre pa Chowking.

 4. Four places you’d rather be. Apat na lugar na sana nandun ka na lang.

gusto ko ulit balikan ang buhay estudyante sa los banos. (repeat 4 x)

5. Four TV shows I could watch over and over. Kung totopakin antena nyo sana ito na lang palabas.

sino nakanood dati ng programang Silk Stalkings?? un.

Bob Ross painting, Lonely Planet, Snoopy n friends (nyahaha)

6. Four people I think (and hope) will respond.

hmmm, di ako madalas sa blogworld eh. Pumatol na lang gustong pumatol o naghahanap ng magagawa. hehehe.



{Agosto 4, 2008}   Pasasalamat

Mahigit isang buwan na din akong hindi nakakapagsulat. May isang pangarap kasi akong gustong abutin at matupad ng mga panahong iyon. Minsan, kailangan munang pansamantalang ipasantabi ang ilang bagay upang higit na mapagtuunan ng pansin ang isang pagnanasa na nais makamtan.

At dahil dito, nagpapasalamat ako sa inyo na paminsan minsan ay dumadalaw sa blog ko bagamat ang sumasalubong sa inyo ay langaw na matagal ng nagliliwaliw sa site na to. Malamang naisip nyo minsan na sayang ang kilocalories na nilaan ng inyong daliri sa pag-click sa site na ito wala naman palang mababasa.

Salamat din — sa mga nag iwan ng pahayag na ngayon ko lang natugunan. Sa mga bagong napadalaw, maraming salamat din.

Salamat, salamat :)

Maglalaan ako ng araw upang dalawin kayong lahat (parang mumu). Pangako sa iyo. Promise. Eye to eye.



at iba pa