Noong ako’y pitong taong gulang, may kakaiba akong gawi na hindi maiwasan – ang pag-ngatngat ng lapis. Tuwang-tuwa akong nakikita ang bawat marka at bakas ng aking mga ngipin sa kawawang lapis.Nginangatngat ko siya habang nakikinig sa klase. Nginangatngat ko siya habang nag-iisip ng tamang kasagutan tuwing araw ng pagsusulit. Nginangatngat ko sya kapag recess at tinatamad makipaglaro sa labas. Minsan nginangatngat ko siya nang hindi namamalayang malapit ng madurog ang lapis sa lambot at mga uka.
Pero hindi lahat ng lapis. May mga lapis kasi na pangit ang lasa. Tulad nung mga makukulay na may panda o bear na super itim ng kulay ng kahoy. Dapat Mongol. Pero hindi rin lahat ng Mongol. Masarap ang may tatak na numero 1 o 2. May lapis din na walang pintura – hubad ang tawag ko sa kanya. At kakaibang linamnam din ang taglay ng lapis na ito.
May iba akong kaklase na sinisipsip ang pambura sa lapis. Madami sila. Ano kaya ang meron sa pambura? Ayaw ko ng amoy pambura. Mabaho. At saka hindi masarap, lasang goma.
Minsan nalimutan ko ang aking lapis sa bahay. Madalas kasi mawala ang aking mga lapis. Napagkakamalan sigurong basura ang kahitsurahan kaya naitatapon ng hindi sinasadya.
Kaya nung araw na iyon, nanghiram ako ng lapis. Mabait naman akong pinahiram ng isa kong kaklase. At sa sobrang kabaitan, sinabi nya pa na puwede kong gamitin ang kanyang lapis sa loob ng 3 araw. Ambaet! Sya ay dapat ituring na bestfriend!
Bagong-bago ang lapis na pinahiram nya. Kaya naman ganado ako sa pagsusulat. At hindi namamalayan, ganadong-ganado din ang aking ngipin sa pagngatngat. Happa happa happa…happa happa happa.
Nalimutan kong hindi ko pag-aari ang lapis.
Matapos ang 3 araw, may bago na akong lapis. Patay malisya kong isinauli ang lapis na pinahiram nya.
“Hi classmate! Ito na ang iyong lapis! Thank you beri much!” Nakangiti kong sabi. Nakangiti namang kinuha ni classmate ang lapis nya. Subalit ang mga ngiti ay unti-unting naglaho habang taimtim nyang pina-iikot ikot ang lapis sa kanyang mga kamay na para bang pinag-aaralan ang mga disenyong aking nilikha.
“Sa yo na lang ito…” sabi nya, sabay balik sa akin ng lapis.
“Uh..bakit? Ayaw mo??” tanong ko … huli na ng maisip ko ang lantaran at nagsisigaw na katotohanan.
“Hindi basta sa iyo na lang.” sagot nya.


