Noong bata pa ako, pinaniwalaan ko:
1. Ang sabi ng kalaro ko na magigi kang basahan kapag naduraan ng isang bubuli. Yan daw yung mukhang malaking butiki. Ang payo pa niya, kapag nakakita ka ng bubuli kailangan mong dumura bago ka maduraan nang sa gayon hindi ka maging basahan.
2. Ang turo ng kaklase ko na matapos umihi, duraan at mag-krus ng ilang ulit ang iyong wiwi para mabendisyunan. Ako’y isang dakilang gaya-gaya hanggang umabot ang panahong naisip kong kabaliwan ang pamamaraang ito.
3. Ang buto ng prutas kapag nalunok mo, tutubo iyon at ang mga tangkay ay maglalabasan sa tenga, ilong at mata. Kaya marapat na huwag iinom ng tubig hanggang hindi pa nakaka-jebs para huwag “madiligan” ang buto.
4. Na mabubuntis ka kapag nahalikan dahil sa laway nabubuo ang beybis.
5. Na totoong may halimaw sa banga kaya hindi ko sinisilip.
6. Kailangang paikutin ang plato kapag may miyembro na umalis habang ang iba ay kumakain. Ang pag-ikot ng pinggan ay makatutulong para hindi malagay sa panganib ang mahal sa buhay.
7. Kapag may nahulog na kutsara, may darating na bisitang babae. Kapag tinidor ay lalaki, at kapag kutsilyo ay isang masamang tao. Ang kutsara o tinidor, kapag nakataob nang mahulog ay nagpapahiwatig na pangit ang darating na bisita, at pag nakatikwang naman ay maganda/ guwapo.
8. Puputi ka kapag uminom ng gatas. Nakakaitim ang kape.


